
Lahat
marahil ng bata at dumaan sa pagkabata ay naniniwala sa kapangyarihan ng mahika.
Nahihiwagaan kung paano nangyari ang ganito at kung paano naging ganoon ang mga
bagay- bagay. Lahat ng bata at siguro hanggang sa ngayong matanda na, may
itinuturing at paboritong ‘superhero’ na
nagagawa lahat ng imposible. Si Superman na nakakalipad at may taglay na
kakaibang lakas. Si Spiderman na nakakapaglabas ng sapot mula sa kamay o di
kaya naman si Wonder Woman na nagtataglay na lubid ng katotohanan.
Ang
Chenelyn! Chenelyn! ay tumatalakay sa sensitibong isyu ng pagtrato sa mga
kasambahay. Tungkol ito isang bata kung saan siya’y naniniwala na ang kanilang
kasambahay na si Chenelyn ay may taglay na mahika. Dahil sa tuwing sasambitin
ang ngalan nito bigla na lang matitimplahan ng kape ang kanyang itay, bigla na
lang makikita ang nawawalang relos ng kanyang kuya, agad-agad na maihahanda ang
susuotin ng kanyang ate o di kaya naman bigla na lamang mahuhugasan ang mga
pinggan ng kanyang inay. Hanggang sa isang araw na kahit anong gawin nilang
sambit ng kanyang pangalan, wala pa ring mahikang nangyayari. Nagka-trangkaso
na pala si Chenelyn. Dito na nila ipinasya na oras na para si Chenelyn naman ay
kanilang pagsilbihan bilang sukli sa kasipagan na ipinakita ni Chenelyn sa
kanilang pamilya.
Mahirap
gawing konsepto para sa isang kwentong- pambata ang ganitong klase ng mga isyu,
hindi kasi natin alam kung talagang maiintindihan ng isang bata ang
ipinararating nito. Kaya naman saludo ako sa ginawang pagkukuwento ni Rhandee
Garlitos dahil nagawa niyang magaan at madaling maintindihan para sa isang bata
ang konsepto. Kinikiliti nito ang imahinasyon ng mga bata dahil sa mga salitang
pinili niya, isama pa ang magandang ilustrasyon ni Liza Flores na talaga namang
nakatulong sa pagbuo ng konsepto sa isip ng mga bata.
Epektibo ito para sa pagtuturo sa mga
bata na kahit ano pa ang trabaho ng isang tao, importante ay ang pag-respeto sa
kanila at pag-papasalamat sa serbisyo at mga tulong na kanilang ginagawa. Na
lahat ng tao, basta ginagawa at naglilingkod ng maayos ay isang superhero.
No comments:
Post a Comment