picnic

Saturday, September 8, 2012

The Joe We All Know



Rebyu ng dulang Joe: The Rockssical
            Ano ba ang alam natin kay Rizal? Ang buo niyang pangalan ay Jose Protacio Mercado Rizal y Alonso Realonda. Ipinanganak noong Hunyo 19, 1861 sa bayan ng Calamba sa Laguna. Pang-pito sa labingisang anak nina Francisco Mercado Rizal at Teodora Alonso y Quintos. Natuto ng alpabeto sa gulang na 3 dahil sa pagtuturo ng kanyang ina. Sa gulang na walo, naisulat ang kanyang unang tula na ‘Sa Aking mga Kabata’ at sa gulang na 16, nakapagtapos sa Ateneo de Municipal ng Bachelor of Arts na may grading sobra saliente. Nag-aral ng medisina sa Unibersidad ng Santo Tomas ngunit tumigil dahil sa nakita niyang diskriminasyon ng mga Dominikong pari sa mga Pilipinong estudyante. Muling nagpatuloy ng kanyang pag-aaral sa Universidad Central de Madrid sa Espanya.Nilibot ang Asya, Europa at Amerika. Nakapagsasalita ng 22 lenggawahe katulad ng Filipino, Latin, German, Cantonese, French, English at Greek. Siya’y isang manunulat, imbentor, doktor, mang-uukit, musikero at iba pa. Sinulat ang mga nobelang Noli me Tangere at El Filibusterismo na gumising sa kapwa niya Pilipino. Nakulong sa salang pagtalikod sa Simbahang Katoliko at naipatapon sa Dapitan kung saan nakilala niya si Josephine Bracken. Nahatulan ng bitay. Sa kanyang huling gabi isinulat niya ang tulang Mi Ultimo Adios at inilagay ito sa isang lampara. Namatay sa gulang na 35 noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan.
            May mga bagay pa nga ba tayong hindi pa nalalaman tungkol kay Rizal? Sa dulang pinamagatang Joe: The Rockssical ng Philippine Stagers Foundation, tinignan si Joe, ang tawag sa kanya ni Josephine Bracken, sa ibang aspeto.
Nagsimula ang dula sa Rizal Integrated Highschool kung saan naatasan ang isang seksyon na gumawa ng isang produksyon ukol sa pambansang bayani para sa kanilang Foundation Day. Itinakda ng kanilang guro si Joecas blang manunulat at director. Si Joanne naman ang naging researcher, si Hunter ang kompositor ng musikang gagamitin, si Bimbo ang choreographer, si Ambo ang nagging set-designer at si Julia naman ang nagging costume designer ng produksyon. Sa pagtatapos ng kanilang pagtatanghal, natapos din ng hindi inaasahan ang 10 buwang relasyon nina Hunter at Joanne dahil sa sinabi ni Joecas na mas bagay sila ni Joanne na ‘partner’. Nagalit naman sina Bimbo at Julia kay Ambo dahil sa panglalait nito kay Bimbo na tabatchoy at paghayag sa klase na kabit ang nanay ni Julia.
Labindalawang taon ang nakalipas at si Joecas ay isa ng kinikilalang manunulat. Sumulat sa kanya ang Malacañang at siya’y kinomisyon upang gumawa ng isang dula ukol sa buhay ni Rizal na itatanghal sa pagdiriwang ng ika-150 anibersaryo ng kanyang pagkabayani. Gusto muli ni Joecas na makasama sa dula na pinamagatan niyang ‘Joe’ ang mga nakasama niya noong hayskul. Kaya naman kasama si Joanne, na isa ngayong researche para sa National Geographic at katuwang na niya sa loob ng 12 taon, hinanap nila ang kanilang mga kaibigan. Si Hunter ay isa na ngayong rebeldeng namumundok, si Bimbo ay isa na ngayong gwapo at matipunong party DJ, si Julia ay isa ng sikat na fashion designer at si Ambo na pinagpipilitang sya ay isang tunay na lalaki ay may-ari na ngayon ng parlor. Nagdesisyon sila na sa condo muna ni Joecas tumira sa loob ng anim na buwan upang mabilis na matapos ang dula.
Sa kanilang pagsasaliksik sa buhay ni Rizal at pagsulat ng dula marami silang natuklasan tungkol sa kanya. Ang lahat ng mahahalagang parte ng kasaysayan tungkol sa buhay ng bayani ay nagaganap sa likuran. Matutunghayan ang iba’t ibang pangyayari sa buhay ni Rizal, ang kanyang mga inibig, ang pagsulat niya ng nobela na nagpaigting sa kamalayan ng mga Indio, ang pag-aaral niya sa ibang bansa, ang pagpapatapon sa kanya sa Dapitan, ang pag-ibig niya kay Josephine Bracken, at ang retraksyon niya ng kanyang mga ideolohiya upang yakapin muli ang Katolisismo at ang pagbaril sa kanya sa Bagumbayan. Ang mga karakter ay humarap sa iba’t iabng isyu ng kanilang buhay na siyang maitutugma , maihahalintuladnat maikukumpara sa mga pangyayari sa buhay ni Rizal- ang pag-ibig ni Joecas kay Joanne at ang di pagsakripisyo ng kanyang sining na mas tunay niyang mahal, ang pag-ibig ni Hunter kay Joanne at ang pagsakripisyo niya ng ideolohiya, ang pagharap sa tunay na pagkatao ni Ambo, ang pagkamulat ni Bimbo sa mga suliranin ng lipunan, at ang pagbalik ni Julia sa pag-aaral.
Bukod sa mahahalagang parte sa kanyang talambuhay, ipinakita din sa dula na magkatulad lamang ang mga karanasan ni Rizal noon sa mga nararanasan nating mga pangkaraniwang tao ngayon. Ngunit tiningnan din sa dula si Rizal Sa ibang aspeto lalo na ang relasyon niya kay Josephine Bracken. Di umano’y pinirmahan niya ang retraksyon at tuluyang tinalikuran ang kanyang ideolohiya para makasal kay Josephine bago siya bitayin.
Maganda ang naging paghahambing ng manunulat kay Rizal at sa ating mga pangkaraniwang tao. Ipinapakita nito na sa kabila ng kanyang katalinuhan at kadakilaan, may mga bagay rin palang katulad natin siya. Ngunit sa katunayan, hindi pa rin malinaw sa akin kung totoo ngang pinirmihan ni Rizal ng retraksyon, marahil ay nasa manonood na kung paano niya ito bibigyan ng katapusan. Kung ako ang tatanungin, hindi ako naniniwala na pinirmahan ni Rizal ang retraksyon. Sa dami ng bagay na nagawa at naisakripisyo ni Rizal para sa ating bayan, hindi na marahil imposible na piliin niya ang kanyang paninindigan kaysa pag-ibig.
Nakakaaliw at makabuluhan ang dula at talaga naming napapanahon dahil sa lenggwaheng ginagamit ng mga karakter. Nakakabahala lamang ang siguro ang madalas na paggamit ng mura lalo na’t hindi maiiwasan na may mga batang manunuod at may kasama silang bata sa pagtatanghal. May mga eksena rin na sa tingin ko’y medyo sensitibo para sa ilang manonood dahil may mga parte na medyo ‘sekswal’ ang tema. Gayunpaman, balanse ang mga eksena ng komedya at drama. Ang awit ng mga koro at ang mga galaw na kaakibat nito ay talaga namang nagmamarka sa isipan partikular na ang awit na ‘Buhay si Rizal’ at ang galaw nitong lumiliyad na hinuha sa naging pagtumba ni Rizal nang siya’y barilin. Ang mga kasuotan ay umaakma rin sa nagiging takbo ng emosyon ng dula. Ang set ay simple ngunit akmang-akma sa mga lokasyong ginamit katulad ng condo ni Joecas, ang hayskul, at ang Dapitan.
Sa kabuuan, nasiyahan ako at ang ibang manonood dahil sa lakas ng palakpakan sa pagtatapos ng dula. Marahil isa sa mga napagtanto ko dito sa dulang ito ay paninindigan sa ipinaglalaban at ang  tamang oras para sa kasaysayan at sa pagpapairal ng sining.

No comments:

Post a Comment